Jennylyn Mercado and Luis Manzano almost bumped into Dennis Trillo at the Golden Screen TV AwardsMagkasamang dumating ang magkasintahang Jennylyn Mercado at Luis Manzano sa 8th Golden Screen TV Awards na ginanap sa Teatrino sa Greenhills noong Martes ng gabi, November 29.
Pagpasok ng dalawa, saka naman dumating si Dennis Trillo—na mukhang nasabihang nasa loob na ang dalawa kaya hindi na muna ito pumasok, at tumambay muna sa labas.
Si Dennis ang dating boyfriend ni Jennylyn bago si Luis.
Sa backstage, kung saan nakapuwesto sina Luis at Jennylyn, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Kapuso actress kung alam na ba nitong nandun din si Dennis.
Sabi ni Jennylyn, "Nakita ko nga ang kotse niya. Hindi naman kami nagkita.
"Okay naman kung magkita kami, wala namang masama dun, e."
Pagkatapos mag-present ni Jennylyn at nang tinanggap ni Luis ang award bilang Outstanding Reality Host sa programa nila ni Billy Crawford na Pilipinas Got Talent, umalis na sila at sinundan ng media.
Nasa labas pa rin si Dennis. Pero pumasok ito sa isang katabing karaoke bar bago lumabas ang magkasintahan.
Matagal pa sina Luis at Jennylyn sa labas dahil in-interview pa sila ng reporters.
Lumabas na lang si Dennis pagkatapos matiyak na nakaalis na ang dalawa.
Pareho naman ang mga pahayag nila na hindi sila nag-iiwasan, pero hindi pa rin sila nagkita roon.
Ayon kay Luis, "I don't see the point naman para mailang ako o kahit ano.
"I'm with Jen here, we have our purpose.
"Si Dennis nandito rin to represent one of his shows.
"So, I don't see the point."
Hindi naman daw kailangang umiwas pa ni Dennis dahil madalas daw silang nagkakasabay ni Jennylyn sa Party Pilipinas.
Pero hindi pa nagkaroon ng pagkakataong magkita silang tatlo.
STILL A LONG WAY TO GO. Kinumusta naman si Jennylyn bilang girlfriend ni Luis.
"Heto, kinikilig pa rin," napapangiti niyang sagot.
"Mats" ang tawagan nina Jennylyn at Luis hango sa mats na ginagamit nila sa Jujitsu at grappling na dati nilang ginagawa sa gym kung saan doon sila nagkadebelopan.
Pero gaano na nga ba kaseryoso ang relasyon nilang dalawa? Masasabi ba ni Luis na si Jennylyn na ang huling babae sa buhay niya?
Sagot ni Luis, "I'll be the first one to say that we have a long way to go.
"More things to be done about each other as individuals.
"Pero the fact na I'm holding her hand, I'm very happy."
CHOICE TO BE SINGLE. Nang hingan naman ng reaksiyon si Dennis sa relasyon nina Jennylyn at Luis ay ito ang kanyang naging tugon:
"Happy naman ako para sa kanilang lahat.
"Siyempre, tao lang tayo na nagiging masaya rin kung nakikita mong masaya ang mga tao sa paligid mo.
"At kalimutan na ang lahat ng galit dahil magpa-Pasko na, kailangan laging masaya."
Samantala, choice naman daw ni Dennis ang maging single na muna sa ngayon at hindi na raw siya nagmamadaling pumasok sa panibagong relasyon.
Magkaibigan pa rin naman daw sila ni Bianca King dahil hindi pa rin naman daw siya handang magkaroon ng girlfriend.
Saad ni Dennis, "Medyo ayoko muna ng sunud-sunod na relasyon. Gusto ko muna ng break na magpahinga.
"Marami naman akong ginagawang trabaho, kaya gusto ko mag-focus na muna dun."
PEP, Gorgy Rula, Thursday, December 1, 2011 07:54 AM